Ika-12 ng Hunyo ng Taong Kasalukuyan
Minamahal kong Kababayan,
Marahil ay nagkakilala na tayo noon pa at marahil ay nagkatagpo na rin ang ating landas. At sa pagkakataong ito, ako ay natutuwa at maka-musta ka man lang sa sulat na ito.
Sa katagalan ko nang nakatayo dito sa kinaroroonan ko sa Bagumbayan, marami na rin akong nakitang pagbabago sa pinakamamahal nating Bayan, mula sa pakikipaglaban natin sa mga banyaga, sa ating mga himagsikan at hanggang sa ating pinakamatamis na paglaya.
Ilang pinuno na rin ang nabilang ko simula nang iniloklok si Heneral Aguinaldo bilang kauna-unahang President ng ating Republika. At ako man ay natuwa nang nagkaroon tayo ng mga babaeng pinuno. At tiyak na natuwa marahil ang ating mga magigiting na babaeng kasapi sa rebolusyon na sina Gabriela Silang at Tandang Sora sa pagbukas ng kaisipan ng Pilipino sa pagtanggap ng katotohanan na ang mga babaeng tulad nila ay kaya rin magpatakbo ng ating bayan.
Naalala ko noon, ako ay naglakbay sa ibang bansa para mag-aral at matuto sa iba’t ibang kultura, sining at kahusayan. Subali’t sa nakikita ko ngayon, bukod sa mag-aral at mamasyal, ang mga kababayan natin, tulad mo, ay nangingibang bansa para maghanapbuhay.
Ito ba’y kinakailangan? Ang pakikipagsapalaran sa dayuhang mga lugar?
Marami na rin akong naisip na dahilan kung bakit nangyayari ito ngayon, pero ang mga dahilan na iyon ay marahil magandang i-kuro-kuro natin sa ibang araw at hiwalay na sulat. Hindi iyon ang dahilan sa pagsulat ko sa iyo. Sumusulat ako sa iyo para i-kamusta ka.
Kamusta ka na, Kababayan?
Kamusta na ang pamumuhay diyan sa Korea?
Maganda ba ang mga tanawin diyan? Kasing ganda ba sa mga tanawin dito sa atin? Madami din ba silang mga pagdiriwang at mga fiesta? Kasing makulay din ba at masaya? Mayroon din ba silang mga banda at mga parada?
Sigurado akong madami ka na ring mga kaibigan diyan. Kahit nasa ibang bayan, ang Pilipino ay palaging nagpupursigi na makapagtipon-tipon kasama ang mga kapwa Pilipino at magsalu-salo at makikisaya. Nasa lahi natin ang pagiging masayahin kahit saan tayo. Marahil ang mga kaibigan mong taga-Korea ay napansin iyan sa kaugalian mo.
Nakaranas ka na ba ng Pasko diyan? Tuwing Pasko ba, meron din ba silang Misa de Gallo? Meron din ba silang Noche Buena? Nakakatanggap ka rin ba ng regalo mula sa mga kaibigan mo diyan? Kahit saan man ang Pilipino ay pinipilit niyang gumawa ng paraan para maipagdiwang ang Pasko. Subali’t mas masaya marahil kung makakauwi ka rito sa atin sa Pasko para maging lubos ang kasiyahan ng buong pamilya mo. Kababayan, makakauwi ka ba ngayong Pasko?
Kamusta naman ang iyong trabaho?
Madali ba ang trabaho mo? At mababait ba ang mga kasamahan mo sa trabaho? Mayroon bang respeto at pang-unawa sa iyong pinag-tatrabahuan?
Sana ikaw ay masaya sa iyong hanapbuhay diyan at sana ikaw ay mayroong maunawain na amo. Kung maganda ang pinagtatrabahuhan mo, maski malayo ka sa atin, marahil ay hindi magiging malungkot ang mga araw mo at hindi mo palaging ma-iisip ang katagalan bago ka makauwi sa atin.
Kababayan, kung sakaling magkaroon ka ng problema, maging ito ay kaugnay sa iyong trabaho o sa iyong mga kasamahan, o maski pansariling problema, huwag kang mag-atubiling humingi ng tulong.
Palaging mong isa-isip na ang bawa’t problema ay may nakalaang solusyon. At ang lahat ng hindi pakikipag-intindihan ay maliwanagan sa pakikipag-usap. Huwag mong gamitin ang dahas para masolusyonan ang problema. Nakita na natin kung ano ang nagagawa ng karahasan at dahas sa tao. Natuto na rin tayo na hindi ito ang sagot sa hindi pagkakaintindihan at sa hindi pagkakaunawaan.
At huwag mong hayaan na ikaw ay alipustain at hamak-hamakin. Ikaw ay Pilipino; matagal na tayong malaya. Hindi na tayo nagpapa-alipin kahit kanino man. Huwag mong hayaang may umabuso at hamakin sa iyong pagkatao.
Kailan ka huling sumulat sa atin?
Sa paglalakbay ko noon, ako ay sumusulat sa aking pamilya. Ikinukwento ko ang mga kakaibang mga lugar na narating ko at mga iba’t bang kulturang natuklasan. Marahil ay sumusulat ka rin sa iyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan dito sa atin. Sigurado akong sila ay magagalak at sabik sa mga balita tungkol sa iyo at sa iyong kalagayan sa Korea.
Alam ko sa panahon ngayon, hindi na ugali ang magpadala ng sulat sa koreo. Ngayon, meron na kayong tinatawag na Internet sa pagpadala ng sulat para maipahiwatig ang iyong isip at damdamin. At kung gusto mong marinig ang boses ng iyong mga kaanak, meron na rin kayong telepono.
At sa tuwing makakatawag ka sa pamilya mo, marahil ay ikaw ay natutuwa at nasisiyahan. Ito nga ba ang nararamdaman mo tuwing marinig mo ang boses ng iyong mga magulang at ng iyong mga kaanak? O lalo kang nalulungkot at marahil ito ay nagpapaalala sa iyo na sila ay nasa malayo at matagal pa bago mo sila makapiling muli? Huwag ka naman sanang malungkot dahil marahil silang lahat nama’y nasa mabuting kalagayan.
At kung mayroon kang asawa’t anak, nararamdaman mo ba sa kanilang mga boses ang kagalakan tuwing maririnig nila ang boses mo? Marahil ang iyong kalungkutan ay palaging napapawi rin tuwing maririnig mo rin ang boses nila. Sana ay palaging isaisip mo na ang mga dinaanan mong kahirapan at kalungkutan ay nagbibigay ng kasiyahan sa buhay ng iyong mga minamahal. At sana kanila ring pahalagahan ang iyong pangingibang bansa at huwag ibale-wala ang iyong pagsusumikap at sakripisyo.
Subali’t bago ako mamaalam, puede ba akong mag-iwan ng kaunting kahilingan?
Bilang isang Pilipino, sana palaging mong ibukas ang puso mo na tumulong sa kapwa mong Pilipino diyan sa Korea. Hindi naman lahat ng tulong ay may hugis ng salapi. Puede mong ibahagi ang iyong kaunting panahon o kaunting alalay sa mga nangangailangan nito, lalo na iyong mga bagong dating, nagdadalumhati at ang mga nalulumbay. Marahil ay kung ikaw naman ang nangangailangan ng tulong, sa aking palagay, kapwa Pilipino mo rin ang lubos na tutulong sa iyo.
At sana huwag mong kalimutan palaging magdasal. Ang iyong pananampalataya ay isang pinagmumulan ng iyong lakas at kabaitan. Ito rin ang magiging gabay mo sa araw-araw na gawain at pakikitungo sa kapwa-tao. Sa mga dasal mo para sa iyong mga mahal sa buhay, sana isama mo rin ang dasal para sa iyong mga kababayan. Sila rin ay nagdadasal para sa iyo.
Palagi mong alalahanin ang iyong kalusugan. Mababahala ang iyong pamilya kung sakaling magkakasakit ka at makaka-apekto pa sa iyong trabaho at gawain. Ang kalusugan mo ay isang mahalagang puhunan.
At sa araw-araw ng iyong pagawa at paglalakbay, palaging isauna ang iyong kaligtasan. Ang buhay mo ay mahalaga.
At Kababayan, nasa Korea ka man o sa ibang bansa, dapat palaging nasa isip mo na ikaw ay Pilipino: malaya, marangal at matalino. Dala-dala mo kahit saan ka man pumunta ang pangalan ng ating Inang Bayan at mga kulay ng ating bandila.
Hindi mo kailangan ng isang bantayog tulad nitong kinatatayuan ko para matawag ka na isang bayani. At lalong hindi mo kailangan ialay ang iyong buhay para tawaging isang bayani. Ang hinihingi ko lang na sana palaging nasa isip mo ang iyong pagka-Pilipino. Ikaw ay mapagmahal, matibay ang loob at dakila.
At sa kahabaan ng sulat kong ito na itinuturi kong isang karangalan, ako ay nasiyahan at nagagalak makikipag-usap sa iyo.
Ikaw ay isa ring bayani. Kailan ang uwi mo, Kababayan?
Sana tayo ay magkikita muli.
Ang iyong mapagmahal na Kababayan,
Jose Rizal
* * * * * * * * * *
Ang liham na ito, na isang kathang-isip lamang, ay nanalo ng pangalawang premyo sa paligsahan ng pagsusulat na idinaos ng Embahada ng Pilipinas sa Korea para ipagdiriwang ang ika-149 na kaarawan ni Jose Rizal noong 2010.
Ito po ang mga ibang nanalo: